Monday, May 11, 2009

the pain

Saksi ang bawat gabing malimit ay aking kapiling tuwing aking naalala ang aking naging kamalian. Ako’y sawimpalad sapagkat hindi ko naipadama sa iyo ang aking pagiging ama. Ang aking kahinaan ay patuloy na nagbibigay sa akin ng kawalang halaga at patuloy na kabiguan. Ako’y sawimpalad dahil sa aking kapabayaan…ang kapabayaang ng pagiging ama sa iyo.
Tatlong taon na ang lumipas ngunit ang sakit at pagdurusa ay patuloy pa rin. Ang aking pagsisisi at pagdadalamhati ay patuloy na tumutusok sa kaibuturan ng aking puso. Ako’y sawi sa kalungkutang hindi humuhupa. Lumbay ang patuloy na pumupuno sa malaking puwang sa aking puso. Isang damdaming walang lunas, isang sakit na walang kagalingan. Isang tatak na hindi mabubura ng aking kahinaan. Kalungkutang habang buhay ko nang dadalhin.

Wag kang malungkot dahil sa akin. Wag kang malumbay, hayaan mong danasin ko ang sakit upang lalo kong maunawaan ang aking kamalian. Upang lalo kong maramdaman ang aking kahinaan. Hayaan mong patuloy akong magdusa sapagkat ako ang sa iyo ay nagkulang. Sa aking paglalakbay ay hayaan mo akong madapa, ito ang magtuturo sa akin upang maging maingat…upang ang mga dating kamalian ay maging gabay, upang matutuhan ko ang tumayo at patuloy na lumaban.
Miss you very much anak at mahal na mahal kita.5/11/09

No comments: