Thursday, November 15, 2012

Panalangin ng Pasasalamat sa Kaloob na Panahong Laan

Panalangin ng Pasasalamat sa Kaloob na Panahong Laan

O Amang Banal na Makapangyarihan sa lahat. Ikaw na aming Dakilang Lumikha. Ikaw na sa araw-araw sa amin ay siyang gabay. Ikaw ang nagkaloob sa amin ng lahat nang aming mga pangangailangan.
Sa umagang ito Panginoon, hayaan mo na ang aming pagsama-sama ay maging sentro ng papuri at pasasalamat sa kaloob mong panahong laan sa amin.
Panginoon, maraming salamat sa nakaraan na bumuo ng mga istraktura’t kagamitan na nagpapagaan ng aming mga gawain sa kasalukuyan. Na tumitik ng mga aklat na ang bawat sanaysay ay mahahalagang batong-hiyas na bumubukas ng aming isipan at nagpapaunlad ng aming mga pananaw at kaalaman. Na humubog ng mga taong dakila na nagbibigay sa amin ng tatag nang pananalig, sigla ng kalooban at angkop na inspirasyon sa wastong pamumuhay.
Maraming salamat Panginoon sa kasalukuyan. Sapagkat, naihuhubog namin ang aming mga sarili sa tama. Napununan ang aming mga kakulangan ng nakaraan. Naitatama ang mga mali ng lumipas. At lumilikha kami ng mga bakas na magiging gabay ng kinabukasan.
Lalong higit Panginoon ay pinasasalamatan naming ang hinaharap. Sapagkat Ito ay tanda na may bagong pag-asa… Upang maituwid pa ang aming mga kamalian. Malabanan pa ang aming mga kahinaan. At punan pa ang aming mga pagkukulang sa iyo at sa aming kapwa.
O Panginoon, kulang ang aming mga salita at lalong hindi sapat ang aming mga gawa kung ihahambing sa iyong walang hanggang awa.
Tangggapin mo nawa ang aming handog na pasasalamat sa iyo sa pangalan ni Hesus na aming Panginoon. Amen

No comments: