Thursday, June 3, 2010

Panalangin para sa Ikakatagumpay ng Pagpupulong II

Panalangin para sa Ikakatagumpay ng Pagpupulong II
O aming Diyos, Amang kataas-taasan ang pagsasama-sama naming ito ay aming inihahandog sa iyo upang ikaw ay purihin at pasalamatan.
Labis ang aming pasasalamat Panginoon sa iyong walang hanggang awa at pagkalingang patuloy na ipinagkakaloob sa amin.
Ang Pagpupulong na ito Panginoon ay inilalapit namin sa iyo upang maging instrumento ng pagkakaisa at pagtutulungan.
Hinihiling namin Panginoon, buksan mo ang aming isipan upang ang taglay naming kaalaman at karunungan ay maging butil na pagkaing kapaki-pakinabang o di kaya’y maging malinis na tubig na papawi ng uhaw.

katulad ng mga bahagi ng isang matatag na puno, ang bawat isa sa amin ay gawin mong katulad ng sa sanga na magkakapit-bisig upang umalalay sa bawat bahagi... Maging parang mga ugat na nagpapatatag ng isang puno... Maging parang dahon na nagsisilbing lilim at nagbibigay buhay...Upang ang bunga ng pagpupulong na ito ay maging matamis at kapakipakinabang.
Panginoon, huwag mong hayaang kami ay maglakad ng mag-isa, o di kaya’y mangapa sa dilim, at matisod, at idapa ng aming kahinaan.
Ito ang aming papuri, ito ang aming pasasalamat, ito ang aming panalangin sa pangalan ni Hesus na aming Panginoon, Amen.(June 3, 2010)

No comments: