Thursday, November 15, 2012

Panalangin para sa Patuloy na Paggabay

Panalangin para sa Patuloy na Paggabay

O aming Diyos, Amang kataas-taasan kami muli ay nangagtipon ngayon upang ikaw ay purihin at pasalamatan. Labis ang aming pasasalamat sa iyo panginoon sa iyong walang hanggang awa at pagkalingang patuloy na ibinibigay sa amin.

Gawin mong higit na matatag panginoon iyong mga nakakaranas ng kalungkutan, iyong mga inaapi, iyong mga hindi binigyan ng tamang katuwiran iyong mga naliligaw ng landas sapagkat ikaw ang aming mabuting sandigan. Ang pagmamahal mo ang nagbibigay sa amin ng lubos na pag-asa, ng liwanag sa aming buhay.


Panginoon huwag mong hayaang maghari sa amin ang galit, ang pagkamakasarili, ang pagiging sakim, ang pagiging mapagmataas, ang maling paghuhusga, ang pagiging mapagsamantala at ang pagiging di makatarungan. Sapagkat ito panginoon ang mga duming sumisira sa amin.

O panginoon hinihiling namin ang iyong patuloy na paggabay upang maging angkop ang aming mga desisyon, upang maging makabuluhan ang aming mga ginagawa, upang mailayo namin ang aming mga sarili sa mga di makatuwirang gawi.

O panginoon, gawin mong mabuti ang mga salitang namumutawi sa aming mga labi, kapaki-pakinabang ang mga ginagawa ng aming mga kamay, bukas ang aming mga mata sa tama at mali, matuwid ang nilalakbay ng aming mga paa, malinis ang mga puso at may mapagkumbabang isipan upang kami ay maging karapat-dapat at dalisay na handog sa iyo.

Ito ang aming panalangin sa pangalan ni Hesus na aming panginoon, amen.22oktubre2007

No comments: