Thursday, November 15, 2012

Panalangin sa Bagong Bukas

Panalangin sa Bagong Bukas

O aming Diyos, Amang Kataas-taasan, muli kami ay nangagtipon ngayon upang ikaw ay purihin at pasalamatan. Maraming salamat Panginoon sa iyong walang hangggang awa at pagkalingang patuloy na ibinibigay sa amin.
O aming Diyos kami ay lubos na nagpapasalamat sa isa na namang taong lumipas. Ito ay humubog ng aming katauhan at nagbigay sa amin ng karangalang ika’y mapaglingkuran.
Nawa ang aming mga naging kahinaan at mga kabiguan noon ay magsilbing aral sa aming panahon ngayon. At ang mga bagay na aming nakita, nagawa at natutunan ay magamit naming sandalan sa patuloy na paglilingkod sa iyo.
Maraming salamat panginoon sa bagong taon na muli ay iyong pinagkaloob sa amin. Ito ay bagong pag-asa upang makamit namin ang aming mga layunin sa buhay, sa aming mga kaibigan, sa aming pamilya at sa tangggapang aming pinaglilingkuran. Isang bagong pagkakataon upang aming mapunan ang aming mga naging kakulangan, isang bagong bukas upang maituwid ang aming mga naging pagkakamali.
Aming Diyos hinihingi namin ang iyong patnubay upang patuloy naming labanan ang aming mga kahinaan, patuloy na mag-ingat sa aming mga ginagawa, patuloy na maging mahinahon, patuloy na magpunyagi, patuloy na isaisip ang mabuti, patuloy pang magsikap at mabigo, at patuloy na mangarap…upang lalong matutunan ang buhay, patuloy na maging mabuting manggagawa, patuloy na maging mabuting halimbawa, upang patuloy na maging malinis na handog sa iyo.
Ito ang aming papuri, ito ang aming pasasalamat, ito ang aming panalangin sa pangalan ni Hesus na aming Panginoon, Amen.

No comments: