Thursday, November 15, 2012

Panginoon, Ipadama Mo sa Amin

Panginoon, Ipadama Mo sa Amin
O aming Diyos, Amang kataas-taasan muli kami ay nangagtipon ngayon upang ikaw ay purihin at pasalamatan. Labis ang aming pasasalamat Panginoon sa iyong walang hanggang awa at pagkalingang patuloy na ipinagkakaloob sa amin.
Panginoon, ipadama mo sa amin ang aming kahinaan upang matutunan namin ang magpakumbaba. At matutuhang tanggapin ang kahinaang taglay ng bawat isa.
Ipadama mo sa amin ang aming kakulangan upang mamulat kami sa kahalagahan ng pagbibigay. At talikuran ang pagiging mapanlamang.
Ipadama mo sa amin ang aming kalungkutan, upang kami ay matutong magbahagi ng kasiyahan at kagalakan sa iba.
Ipadama mo sa amin ang hirap upang magturo sa amin ng kahalagahan ng responsibilidad at pagtitiis. At magsakripisyo para sa ikabubuti ng higit na nakararami.
Ipadama mo sa amin ang mabigo upang tumaas ang aming kamalayan at pagpapahalaga sa bawat bagay at magbahagi ng higit kaysa sa aming natatanggap.
O aming Diyos, hayaan mong patuloy naming pasanin ang aming mga krus upang patuloy na maging malinis na handog sa iyo.
Ito ang aming papuri, ito ang aming pasasalamat, ito ang aming panalangin sa pangalan ni Hesus naaming Panginoon, Amen.(September 1, 2008)

No comments: