Panalangin para sa Ikakatagumpay ng Pagpupulong
O aming Diyos, Amang kataas-taasan ang pagsasama-sama naming ito ay aming inihahandog sa iyo upang ikaw ay purihin at pasalamatan. Labis ang aming pasasalamat Panginoon sa iyong walang hanggang awa at pagkalingang patuloy na ipinagkakaloob sa amin.
Ang Pagpupulong na ito Panginoon ay inilalapit namin sa iyo upang maging instrumento ng pagkakaisa at pagtutulungan.
Hinihiling namin Panginoon, buksan mo ang aming isipan upang ang taglay naming kaalaman at karunungan ay maging butil na pagkaing kapaki-pakinabang o di kaya’y maging malinis na tubig na papawi ng uhaw.
Buksan mo ang aming puso Panginoon upang pag-ibig ang doon ay bumalong.
Buksan mo ang aming mga palad, hindi upang mataas ang aming maabot, kundi ay marami ang aming maakay at matulungan.
Buksan mo ang aming mga mata upang imulat kami sa mabuti at tama.
Buksan mo ang aming katauhan upang maging daluyan ng iyong walang hanggang pagpapala.
Huwag mong hayaang kami ay maglakad ng mag-isa, o di kaya’y mangapa sa dilim, at matisod, at idapa ng aming kahinaan.
Ito ang aming papuri, ito ang aming pasasalamat, ito ang aming panalangin sa pangalan ni Hesus na aming Panginoon, Amen.(Marso 10, 2010)
1 comment:
Tama lamang ang haba ng panalangin na naipabatid ang nais na idalangin sa ating Panginoon bago ang isang pagpupulong.
Post a Comment