Ang akala ko ay pang-pelikula lang ang mga kuwento ng kurapsyon, pagsasamantala at pang-aapi, mga pagnanakaw at iba pang usapin ukol sa isang manggagawa sa lipunang aming ginagalawan. Ngunit ito ay nabago dahil sa karanasang nais kong maibahagi upang magsilbing aral sa ating lahat. Ito ay tungkol sa liham na ipinaabot sa amin ng kumpanyang pinaglilingkuran ng aking pinakamamahal na asawa ukol sa usapin ng nawawalang pera.
Kami ay tahasang tumatanggi sa naisin na magbayad sa halagang binanggit sapagkat hindi ang asawa ko ang gumawa ng bagay na iyon. Ang matagal na panahong naglilingkod siya sa kumpanya kahit minsan ay hindi kumuha ng hindi kanya o mag-isip na gumawa nito. Katulad ng marami ang aking asawa ay mahirap lamang ngunit kaylan man ay hindi niya sisirain ang aming karangalan kapalit ng anumang bagay o salapi. Ito ba ang magiging sukli sa katapatang kanyang ipinakita sa kumpanya pinaglilingkuran niya? Ang pagbayarin sa halagang hindi naman kinuha?
Ang resulta ng imbestigasyon na kami ay pagbayarin ay itinuturing naming isang pagbibintang at tahasang pagsira sa karangalang aming iniingatan at sa mga taong katulad niya ay napagbibintangan sa kasalanang hindi naman ginawa. Isang mababaw na imbestigasyon at walang sapat na batayang kahit litaw na litaw ang katotohanang mayroong nagpalsipika ng mga dokumento ay ano’t iba ang binagbabayad? Hindi kami papayag na ang ganitong mga pangyayari (na ang mga taong walang sala ay pinagbabayad sa bagay na hindi naman niya kinuha) ay maghari sa kumpanyang katulad nito at paulit-ulit na mangyari sa maliliit na manggagawang katulad namin.
Hiniling namin na mabigyan kami ng kopya nang lahat ng dokumentong sinsabi nilang pinagbasehan nila nang “pagsusuri at pag-iimbestiga” pati na ang dokumentaryo nilang pag-aanalisa at pinagbasehan ng desisyon iyon upang aming masuri at maipagtanggol ang aming sarili upang hindi na maulit na mapagbintangan ang mga katulad naming walang kasalanan. Labis kaming nalulungkot sapagkat ang tao o mga taong totoong may sala ay patuloy na nakakalusot at maaaring patuloy pang gagawa nito kahit pa mga inosenteng manggagawa ang nagiging sangkalan at napagbibintangan. Masakit lamang sapagkat hindi kami napagbigyang makakuha ng mga dokumento. Malinaw kasi sa mga dokumentong iyon na nagkaroon ng palsipikasyon na gawa rin ng isang manggagawa ng kumpanya. Isang malinaw na pandaraya ngunit naging sarado na sila sa usapin at hindi pinakikinggan ng kumpanyang pinaglilingkuran niya na masuring mabuti ang mga iyon bagkus ay puwersahan siya at ang kasama niyang kapwa rin napapagbintangan ay binabawasan sa buwanang sahod upang diumano ay mapalitan ang mga nawawalang halaga.
Handa kaming humarap sa kumpanya o sa kahit sino mang tao upang linisin ang karangalan naming nadudungisan ng pangyayaring ito. Handa kaming lumaban sapagkat kami ay walang kasalanan. Maaring mahirap ang mga susunod naming mga laban dahil sa kawalan ng katarungan at maling paghuhusga ang labang ito ay aming ipagpapatuloy alang-alang sa karangalan.6/30/09
No comments:
Post a Comment