Pagkatapos ng mahaba-habang pag-aanalisa, pagpupuyat, pagtimbang ng napakaraming bagay. Ikaw ay nalikha, sinang-ayunan, pinagtibay at nilagdaan upang maging isang ganap. Akoy natutuwa sapagkat ang sakripisyo ko ay nagbunga ng isang bagay na sa palagay ko at nang mga taong pinagdaanan ay sadyang mahalaga para sa mas mabuting paglalakbay ng mga papel na ang katumbas ay upang maging ganap ang kaayusan at magturo ng disiplina, pagtutulungan at pagkakaisa tungo sa layuning labanan ang sakit ng pagiging “mamaya na habit” sa lipunang aking kinabibilangan.
Bagama't sapat ang panahong inilaan, ang araw na ito ay nagbigay sa akin ng bigat sa kalooban, pagkaawa sa iyo at lungkot sa bunga ng aking ginawa. Bagama’t agad kong ipinaliwanag ang mga bagay-bagay na may kaugnayan dito ay sadyang mabigat para sa akin na ipatupad ito sapagkat dalawa kayong agad na masasaktan. Dalawa kayong maaring magdamdam at magalit.
Ito ang nagbibigay sa akin nang kalungkutang ayaw ko sanang madama ngunit ito ay kailangan hindi lamang para sa akin kundi para sa ating lahat na bahagi ng sistemang marami ang pumupukol ng maruming bato at bulok na prutas.
Ako’y iyong patawarin ngunit ang bagay na ito ay kailangan kong gawin sapagkat hindi ito usapin ng kung sino ang api bagkus ay kung ano ba ang tama. Ito ay paulit-ulit na nating ginagawa. Paulit-ulit at paulit-ulit pa rin nating gagawin hangga’t hindi natin natutuhan ang tunay na kahalagahan nito. Ako ay humihingi ng pang-unawa mo. Pang-unawang alam kong higit na makakatulong sa iyo at sa ating lahat. Alam kong hindi pa ngayon ngunit ako ay iyo ring mauunawaan sa pagdating ng panahon.032409
No comments:
Post a Comment