Ito ay dahil sa iyo...sa iyo matapang na leon, ikaw ay nananahan sa akin. Ilang ulit ko mang tanungin ang aking sarili ay hindi ko mabigyan ng kasagutan kung bakit? Unang kinuha sa akin ang nag-iisa kong dalaga na si Alliah. Ngayon naman ay nagdurusa ako sa iyo.. Ikaw ba ay bigay niya o nalikha kita dahil sa mapangahas kong pag-uugali?
Akala ko ay tapos na ang ating pakikipagkaibigan pagkatapos ng maraming buwan o sa palagay ko ay mga taong lumipas. Ngunit ako ay muling nangamba nang minsa'y dalawin kita...Hindi nila masabi kong ikaw ay alalala na lamang o isang buhay na unti-unting kakain ng aking katawan. Sabagay ako rin naman ang may sala sapagkat sa aking pagkamuhi sa iyo ay itinakwil kitang walang pagsisidlan. Ngayon ay kailangan kong maghintay ngunit ang aking pagkatakot ngayon ay sagad na sa kaibuturan ng aking laman. Ilang buwan...paghihintay ng bagong bukas ? o simula ng bagong wakas?
Marahil hindi mo lamang napupuna ngunit ako ay totoong natatakot. Natatakot ako para sa aking asawa't mga anak dahil hindi ko pa sila maiiwanan ng maayos at siguradong bubong na matitirhan...Natatakot ako para sa kasalukuyang kuwento ng aking buhay na hindi ko sigurado kong ang bida ay matitirang buhay sa huli pagkatapos niyang magapi ang mga kontrabida sa pelikulang kanyang ginagalawan o di kaya ay kasama niyang magwawakas kung saan ay maiiwan sa malawak na lupa ang kanyang alala.? Natatakot ako sa iyo alam mo ba?
Sinadya kitang kalimutan, ngayon nga ay mahabang panahon ka nang hindi nagpaparamdam. Bagama't paminsan-minsan ay dumadalaw ang matinding kaba sa aking dibdib, inari ko nang ika'y aking tuluyang nagapi. Kung sakaling ako'y nagkamali sa aking hinagap. Hayaan mong ikaw ay aking hangaan sapagkat ang pagiging bahagi mo sa buhay ko ay nagbigay sa akin ng bagong kaalaman, nang aral sa buhay at pag-asang ang lahat ng bagay ay may laang katugunan. Salamat sa iyo bahala na ang Diyos na siyang sa akin ay may lalang. Ipangako mo lamang... ang iyong katapangan ay sa akin mo na lang ilalaan. 031309
No comments:
Post a Comment