Tuesday, January 13, 2009

Chapter 1, Book 3

Pagkatapos ng halos isang dekada ay ganap nang nabuksan ang aking ikatlong aklat. Isang aklat na hitik ng emahinasyon, pakikibaka, paglalakbay at pikit matang pagsuong sa mga bagong hamon ng buhay.
Ang unang kabanata ng aklat na ito ay nagsimula mahigit isang lingo bago ang petsa ng kapanganakan ng aming nakatatandang kapatid na babae. Kakaibang pakiramdam ang iyong ibinigay sa akin noong mga simulang araw. Higit na tiwala sa sarili, sapagkat sa pagtitiwala mo ay ipinadama mo sa akin na maniwalang kaya kong suungin ang bagong mundo. Takot, sapagkat ikaw ay labis na kakaiba doon sa mga bagay na aking nakasanayan na. Pagkamangha, sapagkat ikaw ay hindi ko buong pusong hiningi bagkus ay nilakbay ko lamang ang direksyon ng tubig na umaaagos. Ikaw ay nag-iwan sa akin ng napakalaking katanungan. Ikaw ba’y akin? At ako ba’y sadyang sa iyo nakalaan?

Ang bawat bahagi ng unang kabanata ay puno ng pakikibaka. Puno ng tensyon. Para akong isang bulag na pilit humahananp ng liwanag at kalinga. Naghahanap ng mabuting kamay na sa akin ay tunay na aalalay. Doon ang bawat oras ay giyera ng isang musmos laban kay Goliyat na ano’t nakakatakot sa gahiganteng sukat. Ang lamok pati na ang langaw ay paminsan-minsang dumadampi sa manipis kong katawan, siguro’y upang makiramay o di kaya’y magbigay sa aking ng higit na lumbay. Ako ba’y lalaban o titiklop sa harap ng mabigat na laban?
Sa paglipas ng tikatik ng orasan ay unti-unting nagliwanag ang bahaging iyon ng Maynila. Ang mapusyaw na kandila ay unti-unting liwanag ang ipinakikita. Ang mga tauhan sa pelikulang nilikha ng tadhana ay isa- isa ring nagpakilala. Noon ay nagbukas din ang mga bagong ideya, pananaw at adhika.
Ang mga letra at numero noon ay sadyang karaniwan pero ngayon ako’y ginising mo’t agad nagulantang. Ang bawat piraso ng letra at numerong sa iyo’y inilagay, ginto ang katumbas. Pagbabago, buhay, pag-asa at yaman ang pakinabang ngunit maari ring maging dusa, hinanakit, panghihinayang at pagsasayang kung hindi iingatan at basta na lang pababayaan.
Si Mr. Pido bagama’t noon ay malimit ko nang nakakasalubong sa tuwinang ako’y naglalakbay, higit kong nakilala’t nagbigay sa akin ng ikalawang mukha ng pananaw. Ang agam-agam ko ay ikaw ang siyang tunay na nagbigay. Ako’y madalas mong ginugulat, kabog sa dibdib ko’y ano’t lalong lumalakas. Ikaw pala ay napakatapang., halimuyak mo’y sa buong bayan, totoong ika’y maasahan nawa’y buo ang sa iyo’y pakinabang. Ang bulahaw ni Ms. Bakulaw ay noon ko lang rin unang nasaksihan. Ano ba’t namangha, hindi makapaniwala’t tigalgal. Ang pinggan ay ni hindi mabasag tila baga maamong tupa, ano’t sa isang ikot, isang lobong maninila ang asal.
Ang kabanatang ito ay sadyang kakaiba. Parang pelikula, patok na patok sa masa lalo na sa eksenang si Mr. Foreman ang bida, ang pag-aayos ng tahanan na sa amin ay iniatang, sakit ng ulo ang iniwan, ang bawat gabi’y nagugulantang. Parang lab at perstsayt at di makatulog, di makakain laging iniisip kong papaanong ang dilag ay kagigiliwan. Bagamat masakit, di inaalintana ang tinik sa daan, sinuong ang dawag, upang ang utos ay pagbigyan, My name is Robin “bahala na si batman”.
Sa patuloy na pagpapalitan ni inang araw at ni amang buwan ay unti-unti kang nagiging karaniwan. Tila baga nasanay na sa kapeng 3 n1 kahit plastik lang panghalo, init mo’y nagbibigay aliwan. Bagama’t kaba’y nasa dibdib, naroon at naroon lang. Parang punyal na nakabitin, lumilihis, tumatapat sa aking ulunan, anumang oras ay itutulos sa aking katauhan.
Sa dapithapong iyon ay pagod na ang katawan. Magulong-magulo na rin itong isipan, para bagang naghihintay na isalang sa upuan ng bitayan. Sa aking paglalakad ano’t si Nasareno nasumpungan at nilapitan. Pagal man ang puso’t isipan ako’y iyo noon at ngayon man, ikaw na ang bahala ako’y turuan at gabayan. Bigyan mo ng lakas at katatagan sa hamong kaakibat ay karangalan, magampanan ko ng tapat, tunay at walang pag-aalinlangan.011209

No comments: