Friday, June 13, 2008

Ate

Ako’y labis na nabigla sa balitang ika’y lilipat na ng bayang paglilingkuran. Bagama’t ako’y nakangiti habang ika’y nagkukuwento ng bagong kaganapan ay hindi ko maiwasang ang saloobin ay hindi magdamdam. Bagama’t malapit lang naman ang iyong lilipatan ay anuba’t pakiramdam ko ika’y malayo at hindi maabot ng aking tanaw.
Nais ko sanang ika’y pigilan, nais ko sanang sabihin sa iyong tayo ay dito na lang… sapagkat magkakasama tayong bumuo sa bayang ito na ating pinaglilingkuran. Marami nang pasakit, hirap ng katawan at kalooban, sakripisyo at kabiguan ang ating pinagdaanan, Anu’t sa pakikibaka kami’y iyong iiwan?
Ngunit hindi kita pipigilan … Sapagkat alam kong ang doon ay ibayo ang dulot sa iyong kabutihan. Doon ay mas mapapaunlad mo ang iyong angking kakayahan… Doon ay mas malawak ang larangang sa iyo ay nag-aabang… Marahil doon higit din ang kalayaan. At siya’y naroon na tunay nating kaibigan na iyong makakaramay may hirap man diyan o kasayahan.
Sa iyong paglalakbay sa bago mong tahanan, baunin mo ang aming kagalakan. Sapagkat dito sa atin ika’y natatanging kayamanan na aming inihahandog diyan sa karatig-bayan upang maging bahagi ng kanilang likas na yaman.
Isa lang ang aking hiling na wag na wag mong kakalimutan. Ikaw ay bahagi na namin… noon at ngayon man. Ika’y laging mag-iingat aming ateng pinakamamahal.1202hapon061308

No comments: