Bagamat halos lahat kami ay malayo sa inyong piling ni nanay ay anupa't kami ay patuloy na naghahanap ng pamamaraan upang sa kahit papaano ay patuloy kami na maging bahagi ng inyong buhay.
Parang kailan lang at kami ay mga musmos pa lamang. Noon ay masaya na kami sa sardinas o di kaya'y sabaw na kapeng pang-ulam sa kanin. Masaya na kami sa bilog na buwan at mga mumunting liwanag ng mga bituin sa mga maliliit na siwang sa atip na bubungan ng ating bahay sa tuwing sasapit ang gabi. Bagama't may karalitaan ay sagana naman sa mga punong namumunga na inyong itinanim
na anupa't sa bawat umaga sa aming paggising ay nagbibigay sa amin ng kasiyahang walang kahambing. May matatamis na atis, aratiles, saging, bayabas, siniguelas, kamote, orange, kasoy at marami pang iba na ang pangalan ay sadyang nalimutan ko na. Kaysaya ng tahanang iyon, kaysaya ng aming buhay, kay saya ng aming kamusmusan.
na anupa't sa bawat umaga sa aming paggising ay nagbibigay sa amin ng kasiyahang walang kahambing. May matatamis na atis, aratiles, saging, bayabas, siniguelas, kamote, orange, kasoy at marami pang iba na ang pangalan ay sadyang nalimutan ko na. Kaysaya ng tahanang iyon, kaysaya ng aming buhay, kay saya ng aming kamusmusan.
Anupa't si kuya ay CPA na at sa ibang bansa pa nagtatrabaho, ano't si ate ay nag-masteral pa at maayos na rin ang trabaho sa isang paaralan at paminsan-minsan ay pinapalad na makapagtrabaho sa ibang bansa. Ang dalawa pa naming kapatid na babae bagama't nag-uumpisa pa lamang ay may kanya-kanya na ring larangan na tinatahak. At ako, sa patuloy na pagsisikap at sa awa ng Poong Maykapal ay isa nang opisyales sa pampublikong tanggapan. Nakakamangha... lahat ng ito ay bunga ng inyong mga pagpupunyagi at pagsisikap. Kahanga-hanga kayo ni inay. Ikinararangal namin kayo.
Kung ano man kami ngayon, malaki ang inyong naging bahagi. Sa inyong mga kabiguan noon ay nagsilbing aral sa amin ngayon. Ang inyong mga tagumpay ay ginagamit naming sandalan ngayon upang mapagtagumpayan ang buhay. Ang aming pagiging likas na matalino, ang pagkakaroon ng mabuting pananaw ay di nga ba't sa inyo namin natutunan? Kami ay naging mabuting mapagmasid, mapanuri, itinatapon ang mali at itinatabi ang mabuti upang aming magamit sa bawat araw na dumarating sa amin at upang patuloy na maingatan ang pangalang inyong ibinigay. Sa pamamagitan nyo ni inay, unti-unti ay nararating na namin ang matiwasay, matagumpay at masayang buhay.
Ang kami ngayon ay kayo noon, nagsisikap sa buhay upang maging dakilang pamana rin namin sa aming mga anak... Sa inyong mga apo... at magiging mga apo pa. Iniingatan namin ang bawat naming galaw upang masiguro namin na ang mabuting pananaw na inyong ipinamamana sa amin ay maipamana rin namin sa kanila. Kami ay patuloy na nagsisikap dahil iyon ang natutuhan namin sa inyo. Lalo na't habang lumalaki ang inyong mga apo ni nanay ay nababanaag ang pagka-mestiso at mestisa, ang pagkamatangos na ilong, ang pagiging likas na matalino, ang pagiging malikhain...hindi nga ba't inyo itong mga ipinamamana sa amin?
Ngunit hindi natatapos sa tagumpay ang ating pagpupunyagi. Huwag nating hayaang malanta ang mga punong itinanim at malamang ang bunga nito ay mapakla, maasim at hindi puwedeng kainin. Habang tayo'y naririto ay patuloy na labanan ang ating mga kahinaan, patuloy na mag-ingat sa ating mga ginagawa, patuloy na maging mahinahon, patuloy na magpunyagi, patuloy pang magsikap at mabigo upang lalong matutunan ang buhay, patuloy na isaisip ang mabuti at patuloy na mangarap... upang patuloy na maging mabuting halimbawa. Sapagkat patuloy pa ang ating pagpapayabong sa punong ating itinanim. Upang sa pagsapit ng takipsilim at sa umaga ng kanilang paggising ay matamis na bunga ang ating ihahain.
No comments:
Post a Comment