Ikaw ay ibinigay niya sa amin noong mga panahong marami akong hinihingi sa kanya. Noong lagi kaming kinakapos sa mga pangangailangan dahil sa liit ng aking sinasahod sa aking pinagtatrabahuhan. Hindi kita inaasahan noon. Dahil siguro sa hirap ng buhay na aming pinagdaraanan. At ikaw ay karagdagan pang gastusin sa amin. Malimit pa nga kitang pinapaalaga sa iyong mga tiya at sa aking pananaw ay mabuting sa kanila ka na lang muna. Bakit naman kasi ay hindi ako pinagkalooban ng magandang trabaho bagamat sagad ako sa pagsisikap upang makakuha ng magandang posisyon sa kumpanyang aking pinaglilingkuran. Pinagsasabay ko pa nga ang pag-aaral sa kursong pang kompyuter dahil naisip kong doon ay mas malaki ang aking kikitain.
Pansamantala lamang naman sana anak, dahil ako ay naghahangad na sana lagi kitang kasama. Alam mo bang lagi kitang pinagyayabang sa lahat ng aking mga kaibigan pagdating sa usapang pampamilya. Higit pa kitang pinagyayabang kaysa sa kuya mong higit na magandang lalaki kaysa sa akin at sa bunso mong kapatid na napakabibo habang lumalaki. Pero ikaw ay iba, pinaglalaban kita, pinagyayabang kita ikaw ang pinakamamahal ko sa inyong tatlo. Siguro dahil nag-iisa kang babae at ang dalawa mong kapatid ay puro barako. Ah basta ikaw ang paborito ko. Napaka-dependent mo kasi. Yun bang kahit iwanan ay hindi ako mag-aalala dahil kayang kaya mong mabuhay. Yun bang parang napaka-matured mo na at ikaw ay hindi isang pasanin, para kang walang takot, para kang matanda kung kumilos. Kakaiba ka anak, kaya siguro mahal na mahal kita.
Parang kailan lang, sinisisi ko siyang labis kung bakit ka niya kinuha agad sa amin. Napakabigat ng iyong maagang pagkawala, napakasakit... ang hirap ipaliwanag. Ganun pa man ay ipinapaubaya na kita sa kanya. Wala naman akong magagawa. Ayaw ko man ay wala akong kapangyarihan upang ikaw ay agawin sa kanya. Siguro ay may mas maganda siyang plano para sa iyo. Kung ano man iyon ay pinababahala ko na sa kanya.
Miss na miss na kita anak lalo na ngayon sa iyong kaarawan, four years old ka na anak. Happy Birthday. Ang laki mo na siguro anak, siguro ay pinagdiriwang nyo din diyan ang iyong kaarawan. Siguro mas maraming handa kaysa kung nandito ka sa aming piling. Tandaan mo lagi anak, mahal na mahal ka namin.
Sa pagdating nang panahon, kung kanyang itatakda, ay muli ka naming makakapiling. Doon ay habambuhay ka na naming makakasama kasama ng iyong mabait na ina at dalawang kapatid. Sa piling niya. Happy Happy birthday Alliah.12:20 ng madaling araw, 29 Oktubre 2007.
No comments:
Post a Comment