Wednesday, October 24, 2007

Ang iyo ring paglalakbay

Sa aking pagbabalik tanaw ay hindi ko na maalala ang unang pagkakataon na tayo ay nagkakilala. Ang unang pagkakataon na nasilayan ko ang iyong mga ngiti ay limot ko na. Ang iyong mga mata na sadyang kakaiba ay hindi ko na rin maaalala kung kelan ko unang pinagmasdan. Ah, sadyang akoy makalimutin
sa mga bagay na mahahalaga, ganun pa man ay pinipilit kong balikan ang noo'y masasayang sandali na tayo ay magkakasama upang ipakilala at ipagmalaki ang ating bayang MIMAROPA.
Nakakalungkot isipin na ikaw ay pumili ng ibang landasin. Isang daang malayo sa dati na nating nilalandas. Noo'y sama sama tayong tumutulay sa pagsubok ng buhay kasama ng iba pa nating kaibigan at kasamahan dito sa iisa nating bayan.
Hindi kita masisisi, ang bago mong lakbayin ay iyong ginusto. Alam kong ito ay higit na mabuti para sa iyo dahil ikaw ay bata pa at marami ka pang mararating. Sa isang banda ay meron din akong pasubali, dahil sa ang landas na tatahakin mo ay siguradong madawag at madilim. Doon ay maari kang matisod sa mga bato o di kaya ikaw ay matinik sa mga damo sa iyong daraanan. Ngunit hindi kita pipigilan, sapagkat ako ay may lubos na tiwala sa iyo... na ikaw ay magtatagumpay sa iyong paglalakbay... ingatan mo ang iyong sarili para sa ating susunod na pakikita. Mag-iingat kang lagi.22hunyo20071302nghapon.

No comments: