Kakaiba ang pagod ko ng gabing iyon sa aking pag-uwi ng bahay ika-24 ng Nobyembre 2008 pagkatapos ng mahigit labing-dalawang oras na ginugol ko sa kumpanyang aking pinaglilingkuran (kasama na ang halos 2 oras na biyahe papunta at pauwi galing ng opisina) na matatagpuan sa malate. Marahil na rin siguro sa napakaraming “vouchers” na kailangan kong iproseso ng araw na iyon.
Anu pa’t ako’y agad na nahiga at ginawang pansamantalang unan ang binti ng aking asawa na nagpapahinga sa“sofa bed” sa aming sala, na amin na ring tulugan, upang ipahinga ang aking pagal na katawan. Hindi ko nga gaanong pinansin ang aking dalawang anak na kapag iyong tinitigan ay lalong gumuguwapo sa mga simpleng kasuutang abot lamang ng “budget” nang isang karaniwang manggagawang katulad ko.
“Ayo, papa” habang papalapit sa akin ay binigkas ni Bayani (pangalan ng bunso kong anak).
Nagulat man ako dahil itinataas niya ang aking balikat na nakadantay sa kanyang ina ay agad naman akong gumalaw upang siya ay makasingit sa aming pagitan. Katulad ng karaniwang mga araw na siya ay tumatabi sa amin (ewan ko kung bakit naging ugali niya iyon) pero palagay ko ay nais niyang laging kunin ang atensyon ng kanyang ina, na tila ba nagseselos kapag hindi siya ang nalalambing at katabi sa tulugan man o habang nanood ng palabas sa “TV” na amin ng tinuring na yaman at munting aliwan at pangpalipas oras na rin sa aming inuupang bahay.
Nabigla ako ng dampian ng mahihinang palo ang aking likod, parang paa ng isang munting ibon na naglalakad sa kumpol ng bulak dahil sa halos hindi ko naman maramdaman dahil sa sobrang hina at liliit ng mga kamay. Ang mga palad na paulit-ulit na dumadampi sa aking likuran, paiba-iba ng ayos, may padiin, may tampal, may pakumbol. Ang bawat galaw ng mumunti niyang mga kamay ay naging parang mga patak ng ulan sa aking puso…dumidilig at naghuhugas ng aking pagod, hinanakit, at kawalan ng pag-asa. Nayakap ko nang mahigpit ang aking tatlong taong gulang na bunso … “Anak, may kunsuwelo na si papa sa iyo”.112708
No comments:
Post a Comment