Tuesday, August 9, 2011

ang tungkulin


Isang bagong guro ang itinalaga sa isang maliit na eskuwelahan sa isang malayong bayan, sa isang malayong lalawigan. Kakaiba ang guro sapagkat ang bawat mag-aaral ng ika-anim na baytang sa elementarya ay binigyan niya ng gawain kung saan ang bawat isa ay naatasan na pag-aralan ang bawat leksyong ituturo kada lingo. Ang bawat isang mag-aaral ay itinalaga sa isang leksyon at ituro ito ng naatasang mag-aaral sa kanilang mga kaklase sa buong linggo.
Nagulat at nagalit ang mga mag-aaral ganun din ang kanilang mga magulang sa inuutos ng guro, ganun pa man ay ginampanan nila ng mabuti ang iniuutos sa kanila. Ang bawat isa ay nagsaliksik ng lahat ng ukol sa gawaing iniatang sa kanila upang magampanan ito ng maayos at makabuluhan.
Nang matatapos na ang taon, walang pasabing bumisita ang nag-iisang punong-guro ng paaralan upang alamin kung ang mga mag-aaral ay may natutunan sa buong taon ng kanilang pag-aaral sa nasabing eskuwelahan. Isang pagsusulit ang ibinigay ng punong-guro, ito ay ang magiging batayan kung ang isang mag-aaral ay makakapagtapos sa elementarya. Ang nakapagtataka, binigyan din niya ng katulad na pagsusulit ang guro na hindi nalalaman ng mga mag-aaral.
Nang lumabas ang resulta ng pagsusulit…ang lahat ay nakapasa, maliban sa guro.

No comments: