Katulad ng mga masasayang mga sandali na kayo ay aking kapiling na dahil sa aking pagkaabala at pagkatapos ng ilang panahon ay agad kong naiwawaglit. Ang tayo na puno ng tawanan at biruan ay agad na kumukupas at lumilipas sa pagdaan ng panahon. Ngayon, hayaan mong maisatitik ko ang aking paglalakbay upang sa paglipas ng mga panahon ay masabi ko sa iyo na hindi kita kinalimutan.-lian lumawig 27march2007
Tuesday, September 21, 2010
karuwagan
Ang bawat araw ay itinuturing kong isang mahalagang pagkakataon. Pagkakataon upang ang mga bagay na dapat kung gawin ay aking lubos na magampanan ng tama at ayon sa kung ano ang dapat. Maingat, nagtitiwala at matapang na hinanaharap ang pakikibaka para sa tama upang sa aking sarili at sa harap ng sinumang tao ay masabi kong ako ay gumaganap ng isang gawain katulad ng pagganap ng isang mabuting ama para sa kanyang asawa at mga anak at sa komunidad na aking kinabibilangan.
Sa aking pagtatrabaho ay naniniwala akong ang pagganap ng tungkulin katulad ng tungkulin ng pagiging isang mabuting ama ay aking naisasabuhay. Ginagampanan ko ng may pag-iingat nakikita man o hindi ng aking mga nakakasalamuha. Ngunit paano kung sa aking paglabas ng opisina ay may mga pangyayaring ang aking pagiging mabuting ama ay maging katulad ng sa isang bata?
Ang kending aking iniingatan upang maibigay sa tamang bibig ay agawin ng mas malakas sa akin? O ang taglay na kahinaan ng iba ay makita kong sinamantala ng iba? Ang babaeng dating minamahal at inaalagaan nuong una pa lamang ay sinasaktan at binubugbog ng itinuturing niyang sandalan? Ng isang taong itinuring niyang katuwang sa pagharap sa buhay? Paano kung ito ay harapan kong nasaksihan?
Hindi kayang tanggapin ng aking munting pang-unawa na sa kabila ng mga naisabatas na panukala para protektahan ang mga bata at kababaihan ay patuloy pa ring nananaig ang ganitong mga kasuklam-suklam na paglabag sa mga katulad nilang mahihina.
Ako’y naduwag na awatin ang pambubugbog ng halimaw sa isang babae na aking nasaksihan. Bagamat ako ay tumigil upang sana ay pumagitna at ipaalam sa halimaw na iyon na mali ang kanyang ginagawa ay hindi ko naitinuloy dahil ako’y natakot sa anyo ng halimaw at sa puwede niyang gawin sa akin kung ako’y makikiaalam. Isang karuwagan, isang kahinaan na aking hindi naipagtulog ng ilang araw. Kung inaawat ko ang halimaw na iyon ay siguradong nagawa kong maiwasan ang isang pang-aapi? Isang pang-aapi na maaring daan-daan o libo-libo ang nangyayari sa bawat araw na dumadaan? O ako’y isa ng malamig na bangkay katulad ng aking tiyuhin sa kanyang pag-awat sa dalawang nag-aaway ay siya ang napagbalingan, nasaksak, namatay at ngayon ay inaalala na lamang ang kanyang munting kabayanihan?
Ako’y naduwag! Ako’y natakot sa maaaring kahinatnan? Paano ang aking pamilya? Paano ang aking mga anak? Ngunit paano kung ang ginawa sa babaing iyon ay ginawa ng iba sa aking mag-iina? Hindi ba’t parang hindi ko rin inisip ang kalagayan ng babaing ito at ng kanyang mga anak kung mayroon man? Ako’y duwag, isang kahinaang nagbigay sa akin ng kakulangan bilang tao. Ibinaba ko ang aking karangalan sa antas ng taong iyon na walang awang sinasaktan ang babae sa kanyang harapan. Isang karuwagang aking ikinahihiya. Isang kahihihiyang ayaw ko na sanang muling maranasan.
Ang karuwagan ko ay nais kong ipaabot sa iyo at mga taong nangangalaga sa kapakanan ng mga mahihina. Kayong mga nangangalaga ng katiwasayan ng pamayanan. Kayong naniniwala na mali ang saktan ang mga mahihina lalo na ang mga babae at bata. Kayong naniniwala na ang mga ganitong pangyayari ay patuloy na nagaganap. Tulungan nyo akong huwag mangyari sa inyo ang kahihiyan at pagkababa ng sariling dignidad dahil sa hindi pakikialam. Tulungan nyo akong maging matapang upang ang pangyayaring ito ay hindi na maulit kanino man. At malabanan ko ang sarili kong karuwagan.9/21/10
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment